Naghain na umano ng leave of absence si Bureau of Corrections Director General Nicanor Faeldon matapos madakip ng mga awtoridad ang kaniyang anak sa isang drug raid sa Naga City.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabi ni Faeldon sa pahayag na wala siyang nalalaman sa kinasangkutang kontrobersiya ng anak niyang si Faeldor Jr.

READ: DOJ clears Faeldon, charges Taguba and Dong in P6.4-B shabu shipment mess

Hindi rin daw siya kinontak ng anak at maging ng mga awtoridad tungkol sa nangyari at hindi raw tatangkain ng opisyal na impluwensyahan ang kaso.

Sabi pa ng nakatatandang Faeldon na siya mismo ang "tatapos" sa kaniyang anak kung mapatutunayan na sangkot ito sa droga.

Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi rin ni Faeldon na magbibitiw siya sa puwesto kung mapatutunayang guilty ang anak niya.

 

 

Samantala, tumanggi na muna na magkomento si Justice Secretary Menardo Guevarra sa naturang usapin hanggang wala pa umanong dagdag na detalye.

Ayon naman kay Justice Undersecretary Mark Perete, pag-aaralan muna ng DOJ ang inihain na "leave ni Faeldon.

Tiniyak naman ng Malacañang na walang whitewash na mangyayari sa imbestigasyon tungkol sa nakababatang Faeldon.

Ang nakatatandang Faeldon ang nakaupong Customs Commissioner noong makalusot sa BOC ang P6.4 bilyong shabu shipment  na kinalaunan ay natunton sa isang bodega sa Valenzuela noong 2017.

Dati nang itinanggi ni Faeldon na sangkot siya sa droga.

Una rito, sinabing nadakip ang nakababatang Faeldon sa bahay ng kaniyang nobya sa Naga City nang isagawa ng mga pulis ang pagsalakay nitong Biyernes ng umaga.-- FRJ, GMA News