Nagtamo ng mga pasa at sugat, ngunit maswerteng nakatakas ang isang 10-anyos na babae mula sa habal-habal driver na tinangka siyang gahasain sa Tagum City, Davao del Norte, matapos magpatay-patayan.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, ikinuwento ng ina ng biktima na madalas na naglalakad lang ang anak pauwi.

Ngunit noong Miyerkoles, ginabi ang kaniyang anak dahil kailangan pang mag-ensayo para sa isang pagtatanghal sa paaralan.

Sumakay ang biktima sa habal-habal, ngunit nagulat na lamang siya nang dalhin siya ng driver sa isang lugar na walang tao malapit sa ilog.

Dito na siya tinangkang gahasain, pero nanlaban ang biktima kaya siya sinaktan ng suspek.

Nagpatay-patayan na lamang siya para iwan siya ng salarin. Nang mapansin niyang nakaalis na ang suspek, dito na siya humingi ng tulong.

Tinitingnan na ngayon ng pulisya ang CCTV sa lugar na dinaanan ng suspek.

"Puwede nating ilagay sa pinaka-serious, possible abduction in relation to [Republic Act] 7610 if ever man ma-establish natin," sabi ni Senior Inspector Anjanette Tirador, spokesperon ng Tagum City Police Office.

Tatlumpu't isang rape cases na ang naitala sa lungsod nitong 2018, pero mas mababa ito sa 53 cases noong 2017.

Mas mahigpit ang seguridad ngayon sa mga lugar na malapit sa mga eskuwelahan. — Jamil Santos/MDM, GMA News