Nauwi sa engkuwentro at napatay ang isang lalaking nakatakas sa buy-bust operation sa Laguna, na sinasabing miyembro rin ng grupong nasa likod umano ng pagpatay sa ilan sa mga tauhan ng Bureau of Corrections.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Fernando Custodio na dayo pa galing Muntinlupa.

Makikita na inikutan ng mga tauhan ng San Pedro Police ang bahay kung saan naroon si Custodio, ngunit ilang saglit ang lumipas, nagkaroon na ng putukan.

Agad na napatay sa operasyon ang suspek.

Sinabi ng pulisya na miyembro ng Camerino drug and gun-for-hire group ang salarin na posibleng nasa likod ng pagpatay sa ilang opisyal ng BuCor.

"Na-involve po siya sa mga contract killings kaya talagang intensyon namin ay makuha po siya nang buhay, kaya nga lang nagkaroon ng 'di inaasahang armed confrontation at napuwersa na po ang ating mga operatiba na ipagtanggol po ang kanilang sarili," sabi ni Superintendent Giovanni Martinez, chief of police ng San Pedro PNP.

Matatandaang isang BuCor officer ang patay sa isang nakamotorsiklong salarin sa Muntinlupa nito lamang Disyembre. — Jamil Santos/MDM, GMA News