Patay ang isang pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) matapos tambangan ng dalawang nakamotorsiklong salarin.

Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News TV Balitanghali Weekend nitong Linggo, pauwi na mula sa trabaho ang biktimang si P/Inspector Romeo Tandas, deputy chief ng QCPD Tactical Operations Center, nang mangyari ang insidente.

Sakay si Tandas ng isang AUV na minamaneho ng kaniyang kinakasamang si Marissa Opiniado at paliko na sila sa University Avenue nang bigla umano silang tabihan ng dalawang nakamotorsiklong suspek.

Paulit-ulit na pinaputukan ng baril ang pulis at hindi na umabot nang buhay nang isugod sa ospital.

Hindi naman nasugatan sa insidente ang kaniyang live-in partner.

Inaalam pa ng pulisya kung personal o may kinalaman sa kanyang trabaho ang motibo sa pagpatay pero malakas daw ang kutob ni Opiniado na konektado ang krimen sa dating tungkulin ni Tandas.

Nagsilbi raw noon si Tandas bilang jail supervisor ng Regional Anti-Illegal Drugs Special Operating Task Group na binuwag noong 2016.

Nitong November 26, tinambangan din umano ang hepe nitong si PC/Inspector Roberto Razon Jr. sa Pasay.

Dagdag pa ni Opiniado, naikwento raw ng biktima na matagal na siyang nakakatanggap ng banta sa buhay dahil nadamay lang umano ang pangalan niya sa listahan ng mga kasamahang pulis na nagre-recycle raw ng iligal na droga.

"Ganun daw po, 'yung mga kasama niya is ganun, nagre-recycle daw po, kaya daw po siya napasama doon sa watchlist na sinasabi ng kung sinuman na 'yun," ayon kay Opiniado.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente. — Dona Magsino/BM, GMA News