Dead on the spot ang isang babae matapos barilin sa ulo sa Matangbaka Street sa Brgy. NBBS-Dagat Dagatan sa Navotas City nitong Linggo ng gabi.

Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng biktima na nakasuot ng brown na sando, jogging pants at tsinelas.

Sa pagtataya ng pulisya ay nasa 20 hanggang 25 taon gulang ang biktima.

Ayon sa isang residente, naglalaro lang sila ng mga kaibigan sa hindi kalayuan nang makarinig sila ng putok na inakala nilang pumutok na kawad ng kuryente.

Pagsilip ay nakita nilang duguan na ang biktima.

Kuwento naman ng team leader ng mga barangay tanod na si Pancho Villa, may nag-report sa kanilang isang lalaki na may binaril sa lugar kaya sila rumesponde.

Isang nagpakilalang kaibigan aniya ng biktima ang nagsabi na residente rin ng barangay ang babae.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang posibleng motibo sa pamamaril. —KBK, GMA News