Patay ang isang lalaki na kalalaya lang mula sa anim na taon na pagkakakulong matapos pagbabarilin ng mga salaring de-motorsiklo sa Caloocan City.

Mag-aalas onse Martes ng gabi nang pagbabarilin si Datu Can Samad Montoc habang nakaangkas sa motorsiklo sa bahagi ng Langit Road, Brgy. Bagong Silang, Caloocan.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa "Unang Balita", tinamaan ang biktima sa ulo na kaagad niyang ikinamatay.

Masuwerteng nakaligtas naman sa pamamaril ang rider na pinsan ng biktima. 

Ayon sa pinsan, nitong Martes lang nakalaya at napawalang-sala ang biktima sa mga kasong murder at multiple murder.

Taong 2012 daw nang makulong ang biktima matapos patayin umano ang kaniyang kaanak sa Pikit, Cotabato.

Papauwi na sila mula sa kampo ng Bagong Diwa, Bicutan, Taguig kung saan siya pinalaya nang bigla silang sabayan ng hindi bababa sa tatlong tao na sakay ng motorsiklo.

"Nagulat na lang ako biglang may pumutok. Akala ko 'yong gulong ng motor ko ang pumutok. Nabigla na lang ako nakasandal siya sa akin," sabi ng pinsan.

Walang  nakakita sa plaka ng dalawang motorsiklong ginamit ng mga salarin. Wala ring maisip ang mga kaanak na posibleng motibo sa krimen. —Kaela Malig/ LDF, GMA News