Narekober ng mga pulis ang shabung nagkakahalagang P1.5 milyon sa lalagyan ng diaper sa isang buy bust operation sa Bacoor, Cavite.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa Balitanghali nitong Miyerkoles, lumabas agad ang mga otoridad nang maiabot na ang pera sa target ng operasyon.

Pinosasan ang suspek na kinilalang si Rostom Kadtogan na taga-Maguindanao.

Bukod sa shabu na isinilid sa lalagyan ng diaper, nakumpiska rin kay Kadtogan ang marked money na nagkakahalagang P350,000  at samu't saring pekeng ID ng pulis at Bangsamoro Republic.

“Tuluy-tuloy naman ang kampanya natin sa droga, kahit papasok na ang bagong taon ay hindi natin pinabayaan yan,” sabi ni Superintendent Vic Cabatingan.

“Kasi alam namin na marami ang gustong pumasok, para sabayan ang new year celebration,” dagdag niya. —Joviland Rita/NB, GMA News