Patay ang dalawang pinaghihinalaang holdaper na nakipagbarilan umano sa mga pulis sa dulo ng isang mahaba-habang habulan sa Barangay Payatas, Quezon City madaling-araw nitong Miyerkoles.

Nagbabantay sa isang checkpoint ang mga awtoridad sa may Molave St. sa Payatas nang makarinig sila ng mga putok ng baril at pagkaripas ng isang motor pasado hatinggabi noong Martes, pahayag ni Superintendent Joel Villanueva, station commander ng Quezon City Police District Station 6.

Sa may panulukan ng Molave, mabilis na lumusot ang isang motorsiklo palabas sa checkpoint. Hinabol ito ng mga nakabantay na pulis ang nakamotor na dalawang lalaki, dagdag ni Villanueva.

Nasukol ang dalawa sa sa Lupang Pangako sa Payatas at dun na umano pinaputukan ng dalawang suspek ang mga pulis. Gumanti ang mga awtoridad at napatay ang mga hinihinalang holdaper.

Dead on the spot ang dalawa. Nakuha mula sa kanila ang dalawang kalibre 38 na revolver.

Narekober din mula sa dalawa ang 14 sachet ng hinihinalang shabu at isang bag na pambabae.

Sakto naman daw na may nag-report sa barangay ng panghoholdap.

"Bale papasok na po kasi ako noon mga around 1:50 a.m. kasi yung pasok ko is 2:30 a.m. Nag-aabang lang kami ng taxi doon sa gilid ng Dama de Noche, sa labas po sa may kanto. Tapos may napansin na po kaming motor na paparating. Bale tatlong motor po," pahayag ng umano'y biktima ng paghoholdap.

Hinintuan at pinalibutan daw siya ng tatlong motor, aniya. Bumaba ang isa sa mga sakay at tinutukan siya ng baril, sabay kuha sa kaniyang bag.

Bagama't hindi makilala ng biktima ang mga holdaper dahil nakatakip daw ang mga mukha nito, positibong niyang kinilala ang kanyang bag at mga laman nito.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspect. —LBG, GMA News