Ilang kabahayan ang nasunog sa mabilis na pagkalat ng apoy sa isang residential area sa Quezon City, na sinasabing nagmula sa napabayaang electric fan. Ang sunog, umabot sa Philippine Postal Office at nadamay din ang ilang sasakyan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras," sinabing tinupok ng apoy ang residential area sa NIA Road, Brgy. Pinyahan pasado alas-dose ng tanghali nitong Huwebes.

Makikita sa kuha ni YouScooper Jerry Roque ang mga dikit-dikit na bahay na karamihan ay gawa sa light materials kaya makapal at maitim na usok ang nilikha ng apoy.

Sa isa pang kuha sa cellphone video, makikita ang tila nagngangalit na apoy mula sa itaas ng gusali ng Philippine Postal Office.

Hanggang sa tumawid na ito sa bakod ng post office kaya nadamay ang mga sasakyang nakaparada na pagmamay-ari ng PDEA.

Iniakyat sa ikalawang alarma ang sunog samantalang walang tigil ang pagbomba ng tubig ng mga bumbero para maapula ang sunog sa nagliliyab na mga sasakyan.

"Isang bahay pa lang nasusunog, ngayon humingi na ako ng tulong sa mga kasama ko sa PDEA, niradyuhan ko na sila. Tapos kumuha ako ng tubig, eh sobrang bilis ng apoy, ayu'n na bumaba na 'yung apoy dito sa likod ng mga sasakyan. Halos sobrang init, hindi ko na kayang buhusan eh," sabi ni Conrad Carson, Post Office security guard.

Sa isang bahay nagsimula ang sunog, ayon sa mga awtoridad.

"Based sa account ng ating witnesses, sa unattended na appliances, electric fan," sabi ni F/S Supt. Jaime Ramirez, Quezon City District Fire Marshall.

Sampung pamilya ang naapektuhan sa insidente, at ang isa ang bahagyang nasaktan nang tumalon mula sa kanilang bahay.

"Umiwas tayong gumamit ng mga octopus connections. 'Yung ating mga hindi ginagamit na appliances, i-unplug natin," payo ni Ramirez.--Jamil Santos/FRJ, GMA News