Isang cellphone at perang nagkakahalaga ng P15,000 ang natangay ng isang babaeng nagpanggap na kasambahay sa Barangay Putatan, Muntinlupa City.

Sa video na ipinalabas sa ulat ni Katrina Son sa Balitanghali nitong Lunes, mapapansin ang isang babae na nagmamadali at tumatakbo paalis ng isang subdivision nitong madaling-araw ng Enero 12.

Kuwento ng biktima, nagpakilala raw ang babae bilang Lisa na tubong Bicol at nagsabing gusto nitong mamasukan bilang kasambahay.

"Nag-apply siya doon sa tita ko pero ang sabi naman ng tita ko wala naman siyang ipapasahod, irerefer na lang sa akin," sabi ng biktima.

Noong araw na iyon, nagpresinta raw si Lisa na linisin na ang kanilang kuwarto kung saan naroon ang ilang mahahalaga nilang gamit gaya ng cellphone at pera.

Ilang sandali pa, natangay na raw ang mga personal nilang kagamitan.

"Pumunta lang ako sa kabilang kwarto tapos sabi ko kukunin ko 'yung phone ko... Parang ilang minutes pa talaga siya. Nakita ko nakasaksak na lang 'yung charger wala na 'yung phone," kuwento ng biktima.

Agad daw siyang bumaba para hanapin si Lisa subalit hindi na nila ito naabutan pa.

Nakita na lamang nila sa Facebook na marami na palang nabiktima ang suspek.

"Noong naghahanap ako, tinype ko 'yung magnanakaw na katulong, mukha niya 'yung lumabas. Nakalagay doon nakapambiktima na siya sa Quezon City, Novaliches, sa Rizal," sabi ng biktima.

Isinuplong na ng biktima ang insidente sa mga awtoridad.—Anna Felicia Bajo/NB, GMA News