Sisimulan na ng Philippine National Railways (PNR) sa Marso ang pagsusuri sa mga hybrid electric train na gawa ng Department of Science and Technology (DOST).

Ayon kay Goddes Libiran, tagapagsalita ng Department of Transportation’s (DOTr), gagawin ang pagsusuri para matiyak kung ligtas itong gamitin ng publiko.

“It will still have to be certified as usable by the PNR. Validation testing pa lang,” sabi ni Libiran sa GMA News Online.

Ang PNR ang namamahala sa operasyon ng tren mula sa Caloocan hanggang Calamba, Sipocot hanggang Naga, at Naga hanggang Legaspi. Pero suspindido sa ngayon ang operasyon ng Calamba-Sipocot line.

Inilunsad noong 2017, ang hybrid electric train ay may habang 40 meters at maximum speed na 50 kilometers per hour. Bahagi ito ng kontribusyon ng DOST sa mungkahing mabawasan ang masikip na daloy ng trapiko sa Metro Manila.

“This newest Filipino innovation also produces less smoke emission compared with existing mass transport vehicles, making it an eco-friendly mode of transport,” ayon sa DOST. — FRJ, GMA News