Isang lalaking Grade 4 student ang sinampal at sinakal umano ng kanyang guro sa loob ng silid-aralan ng isang paaralan sa Tondo, Maynila nitong Martes.

Ayon sa biktima, nagalit daw ang guro dahil hindi siya nagdala ng ballpen.

Sa ulat ni Lei Alviz sa "24 Oras," makikitang bakas pa sa pisngi at batok ng estudyante ang sinabing pananakit ng guro.

Kuwento ng bata: "Sinakal po ako at sinampal habang dinidikdik po ako sa bakal. Wala po kasi akong ballpen, tapos bibili ako ng ballpen, ayaw niya po ako palabasin. Natulog na lang po ako tapos paggising ko po, nagche-check na po, bigla na lang akong sinampal t'saka sinakal."

Ang pananakit ng guro na nangyari umano nitong Martes ng tanghali, nasaksihan pa raw ng mga kamag-aral ng bata. "Sinakal po, saka ginanu'n, sinuntok po," kuwento ng isa. 

Ang lolo ng bata, napasugod sa eskuwelahan.

"Gusto ko na rin siyang hablutin kanina eh. Handa raw siyang mamatay, handa raw siyang makulong. Pinapatawag pa nga 'yung pamilya namin," anang lolo.

Dagdag niya: "Ipatanggal natin ang lisensya, kung anong maganda, ipakulong natin, kung anong maganda. Kung anong magiging asunto niya."

Nagpa-blotter na at nagbigay ng statement sa pulisya ang pamilya ng bata.

Sasailalim din ang biktima sa medico legal.

"Kung sakali man na 'yung sinasabi ng bata ay may katotohanan, makikipag-ugnayan kami sa DSWD (Department of Social Welfare and Development) at maari naming arestuhin 'yung teacher," ayon kay Police Superintendent Gene Licud, station commander ng MPD Station 7.

Wala na ang inirereklamong titser sa eskuwelahan nang puntahan ito ng GMA News, pero ayon sa guidance counselor tumanggi muna itong magsalita sa harap ng camera.  Iimbestigahan ng pamunuan ng paaralan ang insidente at ibibigay sa bata kung ano ang kakailanganin niyang intervention.

Maaring maharap ang guro sa reklamong paglabag sa Republic Act 7610 o "Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act." —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News