Nasawi ang dalawang lalaking mag-amo na kagagaling lamang sa sabungan matapos silang tambangan at pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong salarin sa Meycauayan, Bulacan.

Kinuha rin daw ang perang kanilang napanalunan sa sabong.

Ayon sa ulat ni Allan Gatus ng Super Radyo dzBB sa "Balitanghali," sinabing sakay ng isang kotse ang mag-among sina Andres Limcuando at Rodelio Ampunin nang tambangan sila ng dalawang suspek sa McArthur Highway pasado alas-2 ng madaling araw nitong Miyerkoles.

Sinabi ni Chief Inspector Alexander Dioso, officer in charge ng Meycauayan Police Station, na habang sila'y pinagbabaril ay nakuha pa ni Limcuando na i-atras ang kaniyang sasakyan nang 20 metro, pero sinundan sila ng putok ng mga suspek.

Halos maburdahan ng tama ng bala ang mga salamin ng kotse dahil sa walang tigil na pagpapaulan ng bala ng mga suspek sa sasakyan ng mga biktima, na kanilang ikinasawi.

Nang mag-imbestiga, nawawala rin umano ang bag na pinaglalagyan ng perang kanilang napanalunan sa sabungan sa Marilao.

Umaasa ang mga awtoridad na nakunan ng mga CCTV camera ang pamamaril sa mga biktima na makakatulong sa kanilang imbestigasyon. —Jamil Santos/NB, GMA News