Nadawit sa operasyon kontra-droga nitong Martes ang isang 11-anyos na bata sa Bacoor, Cavite na isinasama umano ng kaniyang ina sa pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV State of the Nation with Jessica Soho nitong Miyerkules, humahagulgol ang anak ng suspek na si Nafisah Borah matapos silang arestuhin ng mga pulis.

Batay sa imbestigasyon, laging isinasama ng suspek ang kaniyang anak sa mga iligal na pakikipag-transaksyon sa matataong lugar.

"Parang cover itong bata eh para hindi siguro mapaghinalaan, lalo na ngayon na ongoing 'yung mga Comelec checkpoint natin dyan, kung ma-checkpoint siya dyan may kasamang bata, hindi rin siya mapaghihinalaan o mapagdududahan," ayon kay Police Superintendent Vic Cabatingan, hepe ng Bacoor Police.

Nakuha sa sasakyan ni Borah ang 21 gramo ng pinaghihinalaang high-grade shabu na nagkakahalaga umano ng P142,000.

Ayon sa pulisya, bulto-bulto kung magbenta ng droga ang suspek at mga tulak rin sa ibang lugar ang kaniyang mga parokyano.

Inaresto rin sa follow-up ang kamag-anak ni Borah na si Japar Renandang.

Itinanggi ng mga suspek ang alegasyon.

Ilalagay naman sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang anak ni Borah.

Ayon sa tala ng Real Numbers PH, 1,861 mga batang siyam hanggang 17 taong gulang ang nasagip ng mga awtoridad sa mga operasyon kontra-droga mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2018.