Isang Filipino-American na dating miyembro ng US Army ang arestado sa ikinasang buy-bust operation ng pulis sa Cubao, Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.

Inaresto ang suspek na si Allan Gayoso matapos mabilhan ito ng P500 halaga ng shabu sa Brgy. E. Rodriguez. Bukod sa nabiling item, may nakuha pa sa kanya na 10 sachets ng shabu na may street value na P6,500.

Ayon kay Superintendent Giovanni Caliao, hepe ng Cubao Police Station, 2007 pa na-discharge si Gayoso sa US Army.

"Na-discharge po siya sa serbisyo way back 2007 and actually yung pag-stay niya dito sa Cubao nag-start lang last year. Galing siyang Amerika," ani Caliao.

Dagdag pa ni Caliao, pabalik na sana sa Amerika si Gayoso ngayon taon.

Ilang buwan na raw nagbebenta ng shabu si Gayoso at ang kanyang mga parokyano ay mga naglalaro ng E-Games.

"Ang usual na nakikipag-transact sa kanya sa iligal na droga is itong mga karaniwang naglalaro sa E-Games, sabi nga yung online bingo, yung magdamagang nagsusugal," ani Caliao.

Tumangging magbigay ng pahayag si Gayoso, na nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —KBK, GMA News