Napatay umano sa engkuwentro kontra pulis ang dalawang hinihinalang magnanakaw sa Barangay Holy Spirit, Quezon City, madaling-araw nitong Huwebes.

Pahayag ng hepe ng Batasan Police sa "Unang Balita," may tumawag sa police hotline tungkol sa tangkang pagnanakaw ng apat na lalaki sa isang mini-mart sa Sto. Niño Street.

Nang rumesponde ang mga pulis, nagpulasan ang mga suspek na akma raw na sisirain ang padlock ng tindahan.

Tumakas umano ang dalawa sa apat sakay ng dalawang motorsiklo. At ang dalawa naman daw ay naiwanan at tumakbo.

Hinabol ng mga awtoridad ang mga tumakas at nang masukol ay pinaputukan ang mga pulis. Nang gumanti ng putok ay agad na napuruhan ang dalawang suspek.

Kasalukuyan pang inaalam ng SOCO ang mga kalibre ng baril na ginamit ng dalawa. Inaalam pa rin ang kanilang pagkakakilanlan.

Patuloy naman ang follow-up operation laban sa dalawang pang nakatakas. —LBG, GMA News