Duguan at wala nang buhay nang matagpuan ang isang 12-anyos na dalagita sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City.  Hinala ng pamilya ng biktima, baka kakilala nila ang salarin.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Myrrhaquel Singson, na nagtamo ng laslas sa leeg.

Alas-dose pa lang daw ng tanghali ay nakauwi na ang biktima sa kanilang bahay sa Shelterville subdivision mula sa paaralan dahil half-day lamang ito bunga ng exam week.

Pero nang dumating ang kasambahay ng pamilya para magluto ng kakainin ni Myrrhaquel, nakita na niya mula sa bintana ng kusina ang biktima na nakahandusay, duguan at wala nang buhay.

Ang ama ng biktima na si Colenso Singsong, nasa trabaho raw nang malaman nang masamang nangyari sa anak.

Sa imbestigasyon ng pulis, lumilitaw na walang forced entry na nangyari sa bahay at dalawang cellphone ang nawawala.

Dahil dito, hinihinala ng pamilya na posibleng kakilala nila ang salarin. Ayon kay Colenso, tanging ang bayaw niya ang may susi sa kanilang bahay bukod sa kanila.

Nakiligo pa raw ito sa kanila nang tanghali at ito raw ang huling nakakita sa kaniyang anak, ayon pa sa ama ng biktima.

Umalis umano ng bahay ang kaniyang bayaw mag-aalas-tres ng hapon bago natagpuan ng kanilang kasambahay na wala nang buhay ang biktima.

Ilang person of interest ang iniimbestigahan na ng pulisya at kasama na rito ang bayaw ni Colenso. -- FRJ, GMA News