Patay ang isang lalaki nang pagbabarilin ng security guard ng isang construction site sa Barangay Sucat sa muntinlupa city.

Sa ulat ng Unang Balita, sinabing dead-on-the-spot ang biktimang kinilalang si Edmund Bautista, 26-anyos, at residente ng nabanggit na barangay.

Batay sa paunang imbestigasyon, madaling-araw nitong Biyernes, binaril ng security guard na si Ryan Rodriguez ang biktima matapos umakyat sa pader ng binabantayan nitong construction site ng Macro Asia.

Ayon sa mga pulis, madalas manakawan ng cellphone ang mga trabahador ng construction site dahil sa mga pumapasok na residente na naninirahan lamang sa tabi ng compound.

Hindi naman mapaliwanag ng ama ng biktima kung bakit nagpunta sa construction site ang kaniyang anak ng madaling-araw.

Narekober ng mga pulis ang shotgun na ginamit pambaril sa biktima pero nakatakas ang security guard.

Iniimbestigahan na ngayon ng mga pulis ang insidente. —LBG, GMA News