Patay ang pitong-taong gulang na bata sa sunog nitong Martes ng madaling araw sa Quezon City, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa "Unang Balita."

Nang maapula na ang sunog sa Litex Road sa Barangay Commonwealth, nilapitan ng ina na si Jacquelyn Laksi ang mga opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) para i-report ang dalawang nawawala niyang anak na edad pito at anim.

Nakatira si Laksi sa bahay na pinagmulan ng sunog.

Kwento ni Laksi, iniwan daw niya ang dalawang bata sa bahay para puntahan ang kanyang asawa na kasalukuyang nagtratrabaho bilang taga-kolekta ng basura.

Nabalitaan daw niya na may sunog kaya agad siyang tumakbo pabalik ng kanilang bahay.

Kinumpirma ng BFP na may isang bangkay silang natagpuan sa bahay ni Laksi na ‘beyond recognition.’

Ang bangkay ay ang pitong-taong gulang na anak ni Laksi, ayon sa ulat.

Samantala, ang anim na taong gulang na anak naman ni Laksi ay nakaligtas at natagpuan sa covered court kasama ang iba pang mga nasunugan. —Joviland Rita/ LDF, GMA News