Arestado ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa buy-bust operation na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Bicutan, Taguig City nitong Biyernes ng hapon.

Kinilala ang nadakip na si Euela Arguel Rosario na kilala rin sa alyas na Mylina at Elay.

Ikinasa ang operasyon sa harap ng Ricardo P. Cruz Sr. Elementary School sa ML Quezon Street, Barangay New Lower Bicutan nang alas singko ng hapon.

Nasamsam sa operasyon ang apat na medium-sized na sachet na naglalaman ng white crystalline substance na hinihinalang shabu at apat na medium-sized na sachet ng brownish crystalline substance na hinihinala ring shabu.

Tinatayang may bigat ang walong sachet ng kalahating kilo at may halaga na aabot sa P3.4 million.

Dadalhin ang nakumpiskang kontrabando sa PDEA Laboratory Service para maisailalim sa pagsusuri.

Ayon kay PDEA Special Enforcement Service Director Levi Ortiz, mga estudyante at driver ang kasama sa nabebentahan ng droga na galing sa suspek.

Ang kanyang mga runner, kinabibilangan din daw ng mga estudyante at out-of-school youth.

Konektado umano ang suspek sa isang malaking drug syndicate na nag-o-operate sa Metro Manila at Mindanao.

Pero tumanggi ang PDEA na pangalanan ang sindikato dahil target nila ito para sa panibagong operasyon.

Dati na rin umanong naaresto ang suspek noong 2012 dahil sa kaso ng ilegal na droga, pero nakalaya siya noong 2018 dahil nabasura umano ang kaso.

Nang tanungin ang suspek, inamin niya na gumagamit siya ng droga at dati na rin siyang nakulong dahil sa droga.

Pero kahapon lang daw niya nasubukan na maghatid ng droga.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —KG, GMA News