Bugbog mula sa taumbayan ang inabot ng isang lalaking kalalaya lang matapos niyang holdapin at hipuan pa ang 23-anyos na babae niyang biktima sa NIA Road, Barangay Pinyahan sa Quezon City Lunes ng gabi.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita," makikita ang duguan at nakasalampak sa kalsada na suspek na si Mark Reyes, na dalawang oras pa lamang nakalalaya mula sa Quezon City Jail.

Naglalakad umano pauwi ang babaeng biktima nang lapitan ni Reyes.

"Nagulat ako bigla siyang umano sa likod ko, sinabunutan niya ako. Tapos pag-akbay niya sa akin nakita ko duguan na ako tapos sabi niya, 'Akin na 'yung pera mo 'yung cellphone mo. Huwag kang papalag papatayin kita,'" saad ng biktima.

Bukod sa pagnanakaw, hinawakan pa raw ng suspek ang maselang bahagi ng katawan ng biktima at hinalikan pa ang babae.

Nakahingi naman kaagad ng tulong ang babae sa mga tao sa lugar kaya na-corner ang suspek at nabugbog.

"Ito pong si Mark Reyes ay dati nang nakulong nu'ng July sa kaso pong robbery holdup at acts of lasciviousness. Nanghoholdap po siya tapos nanghihipo po ng mga kababaihan na biktima niya," sabi ni Police Inspector Gina Abay, Staff Duty Officer.

Aminado ang suspek sa krimen, na nagsabing pinulot lang niya ang barbecue stick na ipinangtutok sa biktima.

"Hindi ko po sinaksak sir. Stick po gamit ko. Ginawa ko lang po para magkaroon ng pamasahe pauwi sa probinsiya sir," ani Reyes.

Parehong dinala sa ospital ang suspek at ang biktima na nagtamo ng sugat sa baba.

"Para hindi po sila mabiktima ng holdup huwag po silang maglalakad sa madidilim at mag-isang naglalakad. At iwasan din po nilang maglabas ng mga gadget," payo ni Abay sa publiko.-- FRJ/RSJ, GMA News