Duguan at wala nang buhay ang 26-anyos na lalaki nang matagpuan siya sa loob ng inuupahan niyang boarding house sa Barangay 29-C, Davao City.

Ayon sa sa ulat ni Sheila Vergara Rubio sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, nawawala ang pera at cellphone ng biktimang si Narry Tunan.

Alas-7 ng umaga raw nitong Martes nang makita siya ng board mate niyang si Renato Derrando.

Naiwan daw sa bahay si Tunan kasama ang 17-anyos nilang empleyado sa tindahan na kinilala lamang bilang si "Carlo."

Ang bloke raw ng semento na nakita malapit sa katawan ang pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay.

"According sa statement ng live-in partner, kasama nila sa pagtitinda sa Roxas nightmarket ang menor de edad. Iniwan nila ang dalawa dahil pumunta sila ng Davao del Sur. Pero pagbalik nila'y patay na ang live-in partner at nawala na rin ang helper nila," sabi ni Police Senior Inspector Teresita Gaspan, spokesperson ng Davao City Police Office.

Tinutugis ngayon si Carlo na posibleng kumuha sa cellphone at pera ng biktima.

Inamin naman ng live-in partner at kasosyo sa negosyo ng biktima na minsa'y napagsasabihan ni Tunan ang menor de edad nilang empleyado.

Kuwento ni Perla Nazario: "Umalis kami kahapon, nakatulog silang dalawa, pero pagbalik ko, ganito na...Pinagsasabihan lang naman itong si [Carlo] sa tuwing naglalaro siya ng basketball." —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News