Patay ang dalawang suspek sa pagbebenta umano ng loose firearms matapos itong makipagbarilan sa mga pulis sa Maynila nitong Biyernes ng madaling araw, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita.

Nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis-Maynila matapos makatanggap ng tip tungkol sa gunrunning activity ng mga suspek.

Sa pamamagitan ng asset, nakumbinsi ang suspek na kinilala lamang na Alyas Martin na magbenta ng kalibre 45 na baril sa halagang P10,000.

Ngunit nang maiabot na raw ang pera sa suspek ay tumanggi itong ibigay ang biniling baril sa pulis na nagpanggap na buyer at sa halip ay nanutok pa ito ng baril bago tumakas lulan ng isang motorsiklo.

"Nagkaroon na ng transaksyon at nagkahabulan. Nakapag-establish kaagad tayo ng checkpoint so, yun nga, nakapag-react po kami," ani Superintendent Igmedio Bernaldez, station commander ng Manila Police District Station 5.

Matapos ang habulan, inabutan ng mga pulis ang suspek sa Liwasang Bonifacio West Overpass kung nakipagbarilan umano ang mga ito hanggang sa sila ay mapatay.

Nadala pa sa ospital ang nagmamaneho ng motorsiklo ngunit binawian din ito ng buhay.

Naniniwala ang pulisya na miyembro na malaking gunrunning syndicate ang mga suspek na nago-operate daw sa Maynila, Malabon at Navotas. —KBK, GMA News