Patay ang isang mag-asawa sa Caloocan City nang pasukin sila sa loob ng kanilang bahay ng isang lalaki at basta na lang pinagbabaril.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ang mga biktima na sina Alvin at Nenita Nervar, ng barangay 177 sa Camarin, North Caloocan.

Ayon sa anak ng mga biktima, nasa labas siya ng bahay at naglalaro kasama ng mga kaibigan dakong 8:00 p.m. nang dumating ang isang lalaki na hindi niya kilala.

Nakisindi pa raw muna ng sigarilyo ang salarin sa tindahan bago isinagawa ang krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.

Samantala, napatay ng mga pulis-Quezon City ang dalawang lalaki na sangkot umano sa pagnanakaw ng mga motorsiklo.

Ayon sa pulisya, nagtungo ang mga awtoridad sa madilim na bahagi ng Sorsogon Street sa Barangay Payatas nang makatanggap ng impormasyon na mayroon mga kumakaluskos at ingay sa bakanteng lote.

Nang dumating sa lugar ang mga pulis, natuklasan na nagbabaklas umano ng parte ng ninakaw na motorsiklo ang mga suspek at nagkaroon na ng putukan.

Napatay ang dalawang suspek, habang dalawa pa nilang kasamahan ang nakatakas at patuloy na pinaghahahanap.-- FRJ, GMA News