Napatunayan ng isang 74-anyos na lalaki ang kasabihang "age is just a number" nang pakasalan niya ang 29-anyos niyang kasintahan sa isang mass wedding ceremony sa Iloilo.

Para kina Ricardo at Glaiza Tamayao, hindi problema ang mahigit apat na dekada nilang agwat sa isa't isa.

Ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Biyernes, 15-anyos pa lang si Glaiza nang ma-love at first sight siya kay Ricardo.

"Pagkakita ko sa kanya, parang hindi na ako nagkakagusto sa ibang lalaki. Parang siya lang talaga hanggang sa nagsama kami," kuwento ni Glaiza.

Namatay ang unang misis ni Ricardo noong 1994.

Walo ang kanilang naging anak.

Kalauna'y napamahal siya kay Glaiza na tagakuha noon ng kaning baboy sa kanilang bahay. 

Kuwento ni Ricardo: "Nahulog ang loob ko sa kanya kasi nakita kong bata pa siya at mabait naman siya kaya unti-unting na-develop ang ano ko sa kanya."

Nagbunga ng tatlo pang supling ang kanilang pagmamahalan.

Base sa isang survey, nasa 41 percent ng mga Pinoy ang naniniwalang hindi mahalaga ang edad pagdating sa relasyon. —Margaret Claire Layug/NB, GMA News