Pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad ang isang bodyguard na sinasabing bumaril at nakapatay sa isang call center agent sa Pasig. Ang biktima, dating karelasyon ng babaeng kasintahan ngayon ng suspek.


Sa ulat ni Emil Sumangil, kinilala ang biktima na Jon Lim, na minsan umanong naitampok sa isang Valentine story ng programang "Saksi," kasama ang kaniyang dating karelasyon na si Aiza Areolla.

Pero pagkaraan ng tatlong taong pagsasama, nagkahiwalay ang dalawa at naging karelasyon naman ni Areolla ang bodyguard umano at suspek na si Allan Generalo.

Noong Agosto 2018, nagtungo umano Lim sa apartment ni Areolla sa Pasig para pag-usapan ang kustodiya ng tatlo nilang anak.

Pero dumating umano si Generalo at doon na nagkaroon ng pagtatalo ang suspek at biktima na nauwi sa pamamarin kay Lim.

Batay sa death certificate ni Lim, nagtamo siya ng multiple gun shot wounds.

Nitong nakaraang Miyerkules, naglabas na ang korte ng warrant of arrest laban kay Generalo.

Labis naman ang hinanakit ng mga magulang ng biktima dahil mabait umano ang kanilang anak.

Naghihinanakit din ang pamilya ng biktima kay Areolla dahil hindi na rin daw ito nakikipag-ugnayan sa kanila kaugnay sa kaso. --FRJ, GMA News