Nadakip ang isang high value target na lalaki matapos siyang mahulihan ng mahigit P3 milyong halaga ng shabu sa Cebu City, na isinilid pa niya sa condom at ibinalot sa dahon ng laurel.

Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing inaresto si Jemmar Layaguin ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Hindi na pumalag pa si Layaguin, na nahulihan ng kalahating kilong shabu.

Inilahad ng mga awtoridad na konektado sa isang drug syndicate sa probinsya ang suspek.

"Newly identified but high value target," sabi ni Hessa Albaño-Tiuzen ng PDEA Region VII.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang suspek. —Jamil Santos/ LDF, GMA News