Naaresto na ang lalaking bumaril at pumatay sa kaniyang babaeng kapitbahay noong nakaraang taon dahil lang daw sa naingayan ito sa pagbi-videoke sa bahay ng biktima sa San Jose del Monte, Bulacan.

Sa ulat ni Oscar Oida nitong Martes sa GMA News "24 Oras," kinilala ang suspek na si Jose Abraham, Jr., 47-anyos, na naaresto ng mga  operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Manila Police District (MPD-CIDG) sa pagtaguan nitong bahay sa Bagombong, Sampaloc, Caloocan City nitong Lunes.

Si Abraham ang itinuturong bumaril sa bibig ng biktimang si Alicia Quiroz sa San Jose del Monte, Bulacan noong March 2018.

READ: Babae, binaril ng lasing na kapitbahay na gustong makipag-videoke

Pero ayon sa suspek, walang kinalaman sa videoke ang pagkamatay ni Quiroz, at wala raw videoke nang mangyari ang krimen.

Gayunman, tumanggi na siyang magbigay ng iba pang impormasyon dahil sa korte na lang daw siya magsasalita.

Ayon sa CIDG, kabilang sa most wanted ng San Jose del Monte si Abraham, sangkot din umano sa iba pang kaso ng pagpatay dahil sa pagiging miyembro ng gun for hire group.

"Kasama siya sa mga gun for hire na ginagamit ng mga taong may pera na may mga ipatutumba," sabi ni Police Major Leandro Gutierrez, hepe ng CIDG-Manila.

"We are also verifying other warrants of arrest against Abraham kasi, allegedly, meron daw siyang murder case sa Infanta, Quezon, murder case sa Bulacan, at frustrated murder sa Valenzuela City," sabi ng opisyal. --Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News