Dalawang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasugatan matapos silang barilin ng nanlaban na umano'y drug suspect sa isang buy-bust operation sa Pasay City.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang mga nasugatang tauhan ng PDEA na sina Agent 3 Charlemaine Tang at PDEA Agent Richard Seure.

Sugatan din ang kahera ng gasolinahan na aksidenteng tinamaan ng bala.

Sa kuha ng CCTV, sinabing pakay ng buy-bust ang isang Alyas Boy. Pero nang matunugan niya na mga operatiba ang kaniyang transaksyon, naglabas ito ng baril at pinaputukan ang dalawang tauhan ng PDEA.

Nakaganti naman ng putok ang mga operatiba at tinamaan din ang suspek na nagawa pa ring makatakas.

"Hindi po alam ng PDEA agent na may baril bigla pong binunot ng suspek 'yung baril so bigla po pinutukan 'yung agent natin," sabi ni Police Major Casan Ali, ACOPO-Pasay Police

Ayon sa isang saksi, nasagasaan pa ng habal-habal ang tumakas na suspek na naaresto rin kinalaunan at natuklasan na Geric Sandoval ang tunay na pangalan.

Pawang dinala sa ospital ang dalawang PDEA agents, ang kahera at ang suspek.

Pinuri naman ni Director Levi Ortiz, PDEA Special Enforcement Service, ang katapangan ng kaniyang mga tauhan.

"I would like to commend or highlight the bravery of agents specially the team leader Agent Tang. Kahit may tama na siya sa chest talagang pinursue pa niya 'yung suspect at nabaril pa niya," sabi ni Ortiz.

Nakuha umano kay Sandoval ang isang kalibre .45 na baril, marked money, at isang kilo ng shabu na nagkakahalaga umano ng P6.8 milyon.

Naniniwala ang PDEA na bahagi si Sandoval ng isang malaking sindikato.-- FRJ, GMA News