Sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Director-General Aaron Aquino na may mga maimpluwensiyang tao na kasama sa kanilang drugs watchlist pero kailangan pang i-validate ang pagkakasangkot nila sa iligal na droga.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Aquino na kabilang sa mga impluwensiyang tao na ito ay mga hukom, piskal, celebrities, at miyembro ng media.

READ: PDEA ukol sa celeb client ng napatay na party drug dealer: ‘Malaki ito. You see him everyday’

"Meron kaming judges and prosecutors na nasa watchlist ng PDEA... There are some na gumagamit, meron into drug use, meron naman talagang mga protector na instead na ipakulong nila itong mga sindikatong ito, nagkakabayaran," sabi ni Aquino.

Sinabi pa ng opisyal na may mga big-time drug case ang nababasura dahil sa drug money.

Pero ayon kay Aquino, hindi raw prayoridad ng PDEA sa ngayon ang pag-validate sa drugs watchlist ng mga judge at prosecutor, maliban na lang kung ipag-utos umano ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"So itong malalaking kaso na ito nadi-dismiss so minsan magtataka ka bakit ganun ang ginagawa," saad ni Aquino at kung minsan ay sila pa raw nasisisi dahil pinapalabas na mahina ang kanilang ebidensiya.

Walang komento ang Korte Suprema tungkol sa inihayag ni Aquino.

Dagdag pa ni Aquino, ang iba pang pangalan sa drugs watchlist ay nakukuha nila sa mga naarestong mga drug suspect.

Hindi pa umano nila maisisiwalat ang mga pangalan dahil kailangan pa itong dumaan sa masusing validation process.

Matatandaan sinabi rin ni Aquino kamakailan na may isang kilalang celebrity na katransaksyon umano sa cellphone ng isang napatay na malaking drug suspect.— FRJ, GMA News