Patay ang dalawang umano'y akyat-bahay gang members na nanlaban sa mga pulis nang maaktuhan sa pangloloob ng isang bahay sa Quezon City.

Nangyari ang engkuwentro sa  Barangay Bagong Silangan sa pagitan ng rumespondeng mga pulis at dalawang magnanakaw, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes ng umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon, nag-iikot ang duty officer na si Roberto Olarita sa binabantayang Spring Country Subdivision nang mapansin niyang may mga tao sa isang bahay na alam niyang walang tao dahil nasa abroad ang mga may-ari nito.

Agad na humingi ng responde si Olarita sa guwardya, na agad namang tumawag ng pulis.

"Sa oras na yun roving ako nakita ko may naka-flashlight sa loob ng bahay eh alam ko na ang bahay na yun walang tao doon. Kaya tumawag ako ng isang gwardya nagparesponde ako," pahayag ni Olarita.

Nanlaban at nakipaghabulan sa mga pulis ang mga suspek hangang sa sila ay mapatay.

Wala pang pagkakakilanlan ang mga napatay na suspek.

Samantala, lalo pang hihigpitan ng  Spring Country Subdivision and seguridad nito, lalupa't apat na beses na umanong ninakawan naturang bahay. —LBG, GMA News