Dalawang Koreano ang natagpuang nakabulagta sa kalsada matapos na mahulog sa isang hotel sa Makati City nitong Biyernes ng umaga.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung may foul play sa nangyaring insidente sa panulukan ng Kalayaan at Makati avenue sa Barangay Poblacion, ayon sa ulat ni Glenn Juego sa GMA News "Unang Balita."

Sa follow-up report sa "Dobol B sa News TV," kinilala ang mga nasawi na sina Sang Ji Kim, 38, at Sang Jun Kim, 35.

Ayon kay Police Colonel Rogelio Simo, ang dalawa ay naka-check-in sa I'M Hotel.

Bandang 6:00 am nang makarinig umano ng malakas na kalabog ang mga tao sa lugar at doon tumambad ang bangkay ng dalawang dayuhan. -- FRJ, GMA News