Binaril at malubhang nasugatan ng mga salaring sakay ng motorsiklo ang executive secretary ni dating Makati City mayor Junjun Binay nitong Huwebes ng gabi sa nabanggit na lungsod. Ang ama ni Junjun na si dating Vice President Jejomar Binay, nag-alok ng P1 milyon pabuya para maaresto ang mga salarin.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang pamamaril kay Monaliza Bernardo habang papasok na ito ng kaniyang bahay sa Makiling Street sa Barangay Olympia.

Isinugod sa pagamutan si Bernardo at patuloy pang inoorsebahan ang kalagayan.

Nakatakas naman ang mga salarin.

Ayon kay Makati Rep.Monsour del Rosario, na isa sa mga naunang nagtungo sa ospital kung saan dinala ang biktima, tinamaan sa kamay at sikmura si Bernardo.

Sinabi naman ng Makati City police, na isang basyo mula sa bala ng kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng pamamaril.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ni ex-VP Binay na malapit at tapat na kaibigan ng kanilang pamilya si Bernardo na tatlong dekada nang nagsisilbi sa kanila.

"Umaasa ako na mananaig ang katotohanan at katarungan, at makilala ang nasa likod ng karumaldumal na gawaing ito. Handa akong magbigay ng pabuya na P1 milyon para sa anumang impormasyon na magtuturo sa mga nasa likod ng krimen," sabi nito sa pahayag. -- FRJ, GMA News