Halos 300 kilo ng hinihinalang shabu ang nasabat ng Bureau of Customs-Manila International Container Port (MICP) sa Manila North Harbor. Ang kargamento, nanggaling sa Vietnam.

Ayon sa mga awtoridad nitong Biyernes, dumating nitong Lunes ang mga kargamento na nakalagay sa 40-foot container at idineklarang mga plastic resin.

Pero nang suriin ang kargamento, natuklasan na may laman itong shabu na aabot sa P1.8 bilyon ang halaga.

Matapos na masuri, ipinasa ng BOC ang pangangasiwa sa mga nakumpiskang droga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa isang ulat ni Manny Vargas ng Super Radyo dzBB, sinabi umano ng PDEA na  276 kilo ang kabuuang timbang ng shabu.

Ayon kay PDEA director general Aaron Aquino, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga awtoridad ng Vietnam tungkol sa kontrabando.

Sakay ang container na pinaglagayan ng droga sa barkong Callo Bridge (14E) na galing Ho Chi Minh City.

Sinabi pa ni Aquino na natukoy na ang consignee at broker ng kargamento at nagsasagawa na sila ng follow-up operation.

Sa ulat naman ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing katulad ng mahigit P1 bilyong halaga ng shabu na nasamsam sa Alabang nitong Martes, nakasilid din sa pakete ng tsaa ang kilo-kilong droga na nakumpiska sa Manila North Harbor.

Para lalo umanong hindi mahalata, inilagay pa ang mga ito sa sako ng plastic resin. — FRJ, GMA News