Isang naarestong drug suspect ang napatay matapos siyang barilin ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) habang nasa loob sila ng sasakyan. Ang suspek, may itinago raw na granada sa brief at tinangka nitong pasabugin.

Sa ulat ni Allan Gatus ng Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabing nasa loob ng sasakyan at papunta na sa tanggapan ng PDEA sa Quezon City ang mga operatiba at ang nadakip na si Edwin Cabezudo,  nang bigla raw tangkain ng suspek na bunutin ang "pin" sa nakatagong granada habang bumibiyahe sila sa C-5, Taguig.

Wala na umanong nagawa ang mga tauhan ng PDEA kung hindi barilin si Cabezudo na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa dibdib, at hindi umabot ng buhay sa ospital.

Bago ang naturang insidente, naaresto si Cabezudo sa isang buy-bust operation sa Muntinlupa City, kung saan kalahating kilo umano ng shabu ang nakuha sa kaniya.

Ipinakita ng PDEA sa mga mamamahayag ang nakumpiska umanong droga kay Cabezudo, pati na ang marked money na ginamit sa operasyon ang granada.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News "Saksi," sinabing nakaposas si Cabezudo sa loob ng sasakyan at dadalhin sa tanggapan ng PDEA para isailalim sa interogasyon.

"Nagkaagawan 'yung mga operatiba, natakot 'yung operatiba baka itong pin ng granada, 'yung safety pin, mabunot niya, binaril na siya. Nagkagulo na kasi sa loob ng sasakyan," sabi ni Director Ismael Fajardo, PDEA-Special Enforcement Service.

Dahil sa nangyari, may mga pagbabago umanong gagawin ang PDEA pagdating sa pagproseso ng mga naaarestong suspek.

WATCH: 2 PDEA agent, nabaril ng nanlaban na umano'y drug suspect; 1 sibilyan, sugatan

Nanghihinayang din ang PDEA na nasawi si Cabezudo dahil sa mga impormasyong maaaring makuha nila sa kaniya tulad ng mga posibleng protektor na nasa gobyerno.--FRJ, GMA News