Patay ang isang pulis na sakay ng motorsiklo matapos siyang pagbabarilin ng mga salarin habang bumibiyahe sa Edsa sa bahagi ng San Juan City nitong Martes ng hapon. Nito lang nakaraang buwan, dalawa ang nasawi nang pagbabaril din sila sa EDSA habang sakay ng van.

Sa ulat ni Julee Anne Cabrera ng Super Radyo dzBB, kinilala ang biktima na si Police Senior Master Sergeant Solomon Cugay, nakatalaga sa National Capital Region Police Office.

Pitong basyo ng bala ng baril ang nakita umano sa lugar ng krimen.

Sa naunang abiso na inilabas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nangyari ang krimen dakong 3:00 pa-south bound sa bahagi ng Connecticut.

Rumesponde naman ang mga awtoridad na kinabibilangan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group pero wala na ang mga salarin.

Patuloy pa imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng mga salarin na pinaniniwalaang sakay din ng motorsiklo.

Nakasuot ng uniporme ng pulis si Cugay nang tambangan.

Nito lang nakaraang Pebrero, isang negosyante at driver ng van ang nasawi matapos silang pagbabarilin ng mga salaring sakay ng motorsiklo sa bahagi ng EDSA Reliance sa Mandaluyong City. (READ: 2 of 3 victims of shooting incident on EDSA died —police). --FRJ, GMA News