Limang suspek na sangkot umano sa pagbebenta ng ilegal na droga ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Cubao, Quezon City. Kabilang sa nadakip ang isang ginang na kasama pa ang mga batang anak.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing isinagawa ang operasyon ng Women and Children's Desk ng QCPD Station 8 sa P. Tuazon Boulevard corner 20th Avenue, Cubao, Quezon City.

Kinilala ang mga suspek na sina Luke David Arellano, Jeffrey Archangel, Jeremo Singko, Wilbert Panganiban at Phia Zaman.

Nakuha sa kanila ang 30 gramo ng hinihinalang shabu na nasa P50,000 ang halaga.

Ginagamit umano ng mga batang edad lima at pitong bilang mga "runner" o tagahatid ng droga sa kanilang kliyente.

"Ang modus nila magkakasama sila, mayroong scorer o may bibili then pupuntahan nila, iaabot nila. 'Pag meron ulit, iikot sila hanggang sa maubos 'yung kanilang [droga]," sabi ni Police Lieutenant Colonel Jeffrey Bilaro, QCPD-8.

Itinanggi naman ng tatlong naaresto ang paratang laban sa kanila.

Si Arcangel, inamin na "user" siya pero hindi raw siya tulak.

Inamin naman ni Zaman na nagbebenta siya ng droga pero isinasama lang daw niya ang dalawang batang anak dahil wala siyang mapag-iiwanan.

"Nagbebenta ako pero bihira lang 'pag tumatawag sila," ayon kay Zaman.

Nakatakdang i-turn over sa DSWD ang dalawang bata samantalang nahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News