Arestado ang isang Grab driver at isa pang lalaki sa Barangay Kristong Hari sa Quezon City dahil umano sa pagtutulak ng droga.

Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Miyerkoles, kinilala ang mga suspek na sina Mark Gil De Mesa o alias Mike at ang kasabwat umano niya na si Marcial Warde.

Isinagawa ng mga awtoridad ang buy-bust operation laban sa dalawang lalaki sa isang gasolinahan kung saan nagpanggap ang mga pulis na bibili sa kanila ng ilegal na droga.

Nakuha sa mga suspek ang 20 gramo ng shabu na nagkakahalaga raw ng P136,000.

Ayon sa mga awtoridad, dati nang nakulong si De Mesa na kabilang daw sa drug watch list ng Quezon City Police District.

"Itong subject natin na si Alias Mike eh nagde-deliver o nagbebenta ng shabu dito sa along Denver Street corner New York. Nasasakupan ito ng Barangay Immaculate Concepcion dito sa lugar namin," sabi ni Police Lieutenant Colonel Louise Benjie Tremor, hepe ng Kamuning Police Station.

Umamin sina De Mesa at Warde na gumagamit sila ng ipinagbabawal na gamot subalit hindi raw sila nagtutulak ng droga.

"Ginawa lang akong service. Wala ho akong alam," sabi ni De Mesa.

"Pinagdala lang po ako. Ako po 'yung ginawang taga-dala," saad naman ni Warde.

Ang sasakyan namang ginagamit ni De Mesa sa pagbiyahe ay nakarehistro raw sa kamag-anak ng suspek.

Ayon sa pamunuan ng Grab, tinanggal na nila si De Mesa at tutulong din daw sila sa imbestigasyon ng pulis.

"We have already banned the driver from our platform and will extend our cooperation with the authorities to aid in their investigation," sabi ni Attorney Nicka Hosaka, tagapagsalita ng Grab. —Anna Felicia Bajo/LBG, GMA News