Isang aksidente at matinding daloy ng trapiko ang sumalubong sa mga bumabyahe pa-Timog Katagalugan ngayong Semana Santa, ayon sa awtoridad.

Isang aksidente ang naitala partikular sa bayan ng Plaridel, Quezon kung saan ay sugatan ang isang bata matapos araruhin ng SUV ang isang nakaparadang kotse sa gilid ng highway.

 

Halos wala namang galawan ngayon ang mga sasakyan sa Maharlika Highway sa Quezon province partikular sa Pagbilao, Quezon.

Inaabot ng dalawang oras ang mga uuwi sa Bicol, Kabisayaan at Southern Quezon bago makalampas sa pagkakaipit sa trapiko.

Paglabas mo pa lang sa South Luzon Expressway ay kalbaryo na ang pagdaan sa mula sa Sto. Tomas, Batangas hanggang San Pablo, Laguna.

Ang mga byahero at motoristang umalis ng 3:00 ng madaling sa Maynila ay nasa Quezon province parin ngayon.

 

Hindi na kinaya ng highway ang volume ng sasakyan. Dumagdag pa dito ang mga pasaway na driver na nagka-counter flow.

Maraming lugar parin sa Maharlika Highway ang hindi pa tapos ang widening project ng DPWH na nagpapasikip rin sa daloy ng trapiko.

Sa bayan ng Pagbilao ay makipot ang daan na sinabayan ng mga sasakyan na pabalik sa Maynila. - MDM, GMA News