Binaril at napatay nitong Huwebes ng madaling araw sa Quezon City ang self-confessed drug lord sa Cebu na si Franz Sabalones. Sumuko sa pulisya noong 2016 ang biktima.

Batay sa ulat na ibinigay ni National Capital Region Police Office chief Major General Guillermo Lorenzo Eleazar sa GMA News Online, sinabing dakong 12:08 a.m. nang barilin sa panulukan ng Scout Borromeo at Mother Ignacia sa Brgy. South Triangle ang biktima.

Batay sa mga ID na nakuha sa biktima, una muna siyang kinilala sa mga pangalang Jerome G. Cabilao, Jerome Sanchez Cabilao, Abdulyakin Tating Limpasan.

Nakasaad ang tirahan niya sa BF Resort Village, Talon Dos sa Las Piñas City.

Pero dakong 11:45 a.m., isang nagpakilalang pinsan ng biktima ang nagtungo sa pulisya at sinabing Franz Cabilao Sabalones ang tunay na pangalan ng napatay, at nakatira sa San Fernando, Cebu City.

Taong 2016 nang sumuko si Sabalones sa noo'y Philippine National Police chief na si Director General Ronald dela Rosa. Kasabay nito ay inamin ni Sabalones na drug lord siya sa Region 7.

Ayon kay Sabalones, kinontrol niya ang kalakaran ng droga mula sa drug kingpin na si Jeffrey “Jaguar” Diaz, na napatay naman sa Las Piñas noong Hunyo.--FRJ, GMA News