Dagsa ang mga naliligo sa Baseco Beach sa Maynila nitong Sabado de Gloria.

Mas marami ang naligo nitong Sabado kaysa kahapon, Biyernes Santo.

 

Some residents of Manila, both young and old, enjoy a cool dip in Baseco Beach, part of Manila Bay, in Port Area, Manila on Black Saturday, April 20, 2019, unmindful of the garbage floating around them. Darlene Cay

 

May mga tolda na rin sa entrance ng beach na binabantayan ng mga taga-Barangay 649.

May donation box na inilagay ang barangay. Ang mga malilikom galing dito ay gagamitin daw sa paglilinis ng beach.

Grupo-grupo ang pumunta sa Baseco para maligo sa dagat. Hindi nila alintana ang init ng panahon at dumi ng dagat.

Sabi ng ilang nagpunta roon, para sa kanila ay hindi marumi ang dagat. Sanay na raw kasi sila kaya pumupunta pa rin sila. Malapit lang din ito at libre. Alam nilang ipinagbabawal ang pagligo rito at sa buong Manila Bay pero tumutuloy pa rin sila.

 

Kids frolic in Baseco Beach on Black Saturday, April 20, 2019, despite trash floating around them. Darlene Cay

 

Ayon sa kagawad ng Barangay 649 na siyang nakakasakop sa Baseco Beach, talagang marami ang pumupunta roon lalo na kapag ganitong Mahal na Araw.

Nahihirapan daw silang pagbawalan dahil umaabot sa libo ang mga naliligo roon. Bukod sa kulang sa pondo, kulang sila sa tao.

Nananawagan sila sa national government na tulungan silang mag-regulate sa lugar, gaya ng pagbabakod na ginawa na sa ibang bahagi ng Manila Bay.

Sa ngayon, binabantayan nila ang area. Nakaantabay ang kanilang mga tauhan para maglinis o mag-rescue at maglapat ng first aid kung kinakailangan. —KG, GMA News