Arestado sa magkakahiwalay na operasyon kontra droga ang 11 na suspek kabilang ang dalawang Nigerian kung saan mahigit P16 milyong halaga ng droga ang nasabat, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Lunes.

Sa Naga City, arestado nitong Sabado de Gloria ang Nigerian na si Mbaneto Sopuluchukwu o alyas Hermann Kurt Philip at isang Pinay na si Judith Balaquiao-Camacho. Nasabat mula sa kanila ang P700,000 halaga ng shabu.

Nang sumunod na araw, nasa P16 milyong halaga ng shabu naman ang nakuha sa inarestong negosyanteng Nigerian na si Azubuike Obiaghanwa Onwigbolu.

Samantala, sa General Trias, Cavite, hinuli sina Ervin Esperanza, Jaliha Salisin, Laura Enriquez, Robert Butalliño, Jaylord Agno at Enercio Kaballero na sinasabing tulak umano.

Bukod sa kanila, dinampot din sa operasyon sa Barangay San Francisco ang 13-anyos na binatilyo na ginagamit umanong courier ng mga tulak.

Ayon sa menor de edad, sideline daw niya ang pagiging courier kapag wala siyang klase. Na-engganyo daw kasi siya sa P1,000 hanggang P2,000 na kinikita niya kada transaksyon.

Ayon pa sa menor de edad, nagagalit daw sa kanya ang mga tulak kapag hindi raw siya sumusunod.

"Ginagamit nila itong mga bata bilang courier dahil sa pag-aakala na 'di sila mahuhuli at mabilis na makakalusot," sabi ng hepe ng General Trias Police na si Police Lieutenant Colonel Paul Bometivo.

Bukod sa P84,000 halaga ng shabu, nakumpiska rin ang isang baril mula sa mga suspek, na hindi na nagbigay ng pahayag.

Sa Dumaguete City sa Negros Oriental naman, huli ang magpinsang Felomino at Aga Baroman sa isang buy-bust operation nitong Biyernes Santo.

“Itong dalawa talagang naaktuhan na conspiracy ba. Silang dalawa talaga ang nagtulak,” anang hepe ng Provincial Police Office's Intelligence Branch ng Negros Oriental Police na si Lieutenant Allen June Germodo.

Ayon sa pulisya, dati nang kabilang sa drug watchlist ang dalawa, pero itinanggi naman ito ng mga suspek. —Joviland Rita/KBK, GMA News