Naputulan man ng binti, labis pa rin ang pasasalamat ng 25-anyos na babae na nailigtas mula sa gumuhong Chuzon supermarket sa Porac, Pampanga. Gayunman, nag-aalala naman siya kung papaano pa niya matutulungan ang kaniyang pamilya.

Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kabilang si Lourdes Martin, sa mga empleyado ng tindahan na gumuho nang dahil sa malakas na lindol.

Nang maganap ang pagyanig, gumuho ang gusali at nadaganan ng malaking tipak ng bato ang kaniyang kanang hita at nabagsakan din siya ng bato sa ulo.

Sa dalawang oras na pagkakaipit niya sa guho, madami na raw dugo ang nawala sa kaniya at unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa.

Hanggang sa isang doktor ang pumasok sa isang maliit na butas upang marating siya.

"Dumating po yung mga rescue, hindi nila maalis yung paa ko kasi walang pagpapasukan. Kaya po may tumulong po sa akin na doktor na babae kasi sumisigaw na po ako. Natamaan po yung ulo ko, paubos na po dugo ko. Himala po na nabuhay ako," umiiyak niyang kuwento habang nakaratay sa JBL Memorial Hospital.

Habang naghahanap ng paraan upang maalis ang batong nakadagan sa kaniyang binti, sinalinan ng dugo si Martin.

Pero habang tumatagal siya sa guho, lalong lumiliit na tiyansa na mailabas siya nang buhay hanggang mabuo ang isang mahirap na desisyon.

"Umalis po yung doktor, [tapos] bumalik, 'Gagawa tayo ng paraan para mabuhay ka, lumaban ka.' Niyakap po ako ng doktor kahit hindi ko siya kilala, niyakap niya ako," kuwento pa ni Martin.

"Sinabi niya na ito lang ang paraan para mabuhay ka," dagdag niya patungkol sa desisyon na kailangang putulin ang kaniyang binti.

Sabi pa ni Martin, tumigil pa raw ang kaniyang pulso habang isinusugod siya sa ospital kaya milagro para sa kaniya na buhay siya.

"Sa ngayon po nagpapasalamat po ako sa Panginoon kasi kahit hindi na ako kumpleto buhay po ako," umiiyak niyang saad.

Gayunman, nag-aalala si Martin sa kaniyang kalagayan ngayon dahil isa siya sa tumutulong sa kaniyang pamilya at nagpapaaral sa kaniyang kapatid.

"Ngayon po naputulan ako ng paa, hindi ko alam kung paano ako makakatulong," patuloy niya.

Sinabi naman ng ina ni Martin na si Gng. Rebecca, na aalagaan niya ang kaniyang anak sa abot ng kaniyang makakaya.

"Mahal na mahal ko po ang anak ko. Hindi man po siya makapagtrabaho ok lang po. Aalagaan ko po siya sa abot ng aking makakaya," anang ginang.

Bukod kay Martin, nasa ospital din ang iba pang nasaktan sa nangyarin paglindol.
Kabilang ang dalawang-taong-gulang na si Rommel Papasin, na malubha ang kalagayan matapos mabagsakan ng hollow blocks nang masira ang kanilang bahay nang dahil sa lindol.

Ayon sa ama ni Rommel na si Roy Papasin, nasa ibang ospital din ang kaniyang asawa na nasaktan din sa nangyaring trahediya.

Nasa katabing kama naman si Mariel Morillo, limang-taong-gulang, na inanod ng tubig nang itumba ng lindol ang isang malaking water tank sa Mexico, Pampanga.

Ligtas na si Morillo pero comatose ang kaniyang lola na si Juanita Manalastas na nasa katabing kama matapos madaganan ng water tank sa ulo.-- FRJ, GMA News