Nakilala na ang bangkay ng lalaki na nakitang nakasilid sa trash bag na parang basurang itinapon sa Malabon. Sa pamamagitan ng kaniyang tattoo, natukoy na ang bangkay ay ang holdaper na nakunan sa dashcam habang binibiktima ang isang taxi driver noong Pebrero sa Caloocan.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing unang natagpuan ang bangkay ng lalaki na nakabalot sa plastik ng basura kaninang madaling araw sa kanto ng Tuazon at Araneta Street sa Barangay Potrero.

Nang suriin ng mga awtoridad ang bangkay, nakitang nagtamo ito ng saksak at may tattoo sa kaliwang kamay na nakasaad ang salitang 'metallica,' at 'commando' sa likuran.

Dahil sa kaniyang tattoo na "commando," nagkaroon ng posibilidad ang mga awtoridad na maaaring nakulong na ito noon.

"I think it's a group sa loob ng kulungan grupo-grupo 'yun. 'pag nasa loob ka kailangan mo patatak to be a member of the group," ayon kay Police Colonel Jessie Tamayao, hepe ng Malabon City police.

Ang naturang tattoo nga ang naging daan para makilala ang bangkay na si Emerson Gamba, ang holdaper na nakuhanan ng dashcam habang hinoholdap isang taxi driver.

WATCH: Lalaki, malinaw na nakunan ang ginawang panghoholdap sa isang taxi driver

Ayon kay Tamayao, isang bilanggo ang tumukoy sa pagkakakilanlan ni Gamba.

Kaibigan umano ni Gamba ang naturang bilanggo na nahaharap sa kasong pagnanakaw.

Patuloy naman ang imbestigasyon kung sino ang pumaslang kay Gamba.-- FRJ, GMA News