Umabot sa mahigit 145.42 toneladang tambak ng basura na binubuo ng mga campaign materials ang nakolekta ng Metro Manila Development Authority (MMDA) magmula pa noong panahon ng pagkampanya para sa eleksyon nitong Mayo 13.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, inilahad ang mga siyudad sa Metro Manila na may pinakamaraming campaign wastes.

  • Manila - 30,000 piraso
  • Quezon City - 25,000 piraso
  • Parañaque City - 13,000 piraso
  • Makati - 10,400 piraso
  • Caloocan - 8,000 piraso

Ngunit kung kabuuang dami ng campaign waste sa buong bansa ang pag-uusapan, wala itong panukat, ayon pa sa ulat.

Inabutan ng GMA News ang mga metro aide na nagbabaklas ng mga tarpaulin at posters at mga banderitas ng mga kandidato na tila mga nakasampay na basura.

Gabundok na mga kalat din ang nakolekta ng MMDA sa ilalim ng Santolan flyover.

Nanawagan ang Ecowaste Coalition sa Comelec na ipagbawal na ang paggamit ng mga toxic na tarpaulin at poster at sa halip ay gumamit na lang ang mga kandidato ng biodegradable materials.

Nanawagan din silang maging "creative" na lamang sa pagkampanya at huwag nang gumamit ng mga nasabing materyales.

Ang mga nakolektang gabundok na basura ng campaign materials ay ni-recycle ng Ecowaste Coalition at ginawa nilang eco-bag, show bag, delivery bag, pencil case at scratch pads.

Gumawa rin ng malaking bin bag ang grupo, na puno ng shredded plastic sa loob.

Ngunit nagbabala ang Ecowaste Coalition tungkol sa mga toxic na kemikal sa mga tarpaulin tulad ng cadmium at lead, na masama sa utak at baga.

Sinabi nilang ang pag-recycle ng mga basura ay para sa maiwasan ang pagpunta ng mga ito sa dump sites panamantala. —Jamil Santos/NB, GMA News