Ginagamit ng isa umanong tulak ng iligal na droga sa Maynila ang pagbebenta ng damit online para makapanglako, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

Naaresto ang suspek na si Eduardo Puno sa isinagawang buy-bust operation ng Manila Police District sa G. Perfecto Street sa Tondo kung saan nabilhan siya ng P1,000 halaga ng marijuana.

Bukod kay Puno, arestado rin ang limang naunang nakabili umano ng droga sa kanya.

Pinagsasabay daw ni Puno ang pagbebenta ng droga at damit para mapagtakpan ang kanyang iligal na negosyo, ayon sa hepe ng MPD Station Drug Enforcement Team (SDET) na si Police Captain Val Valencia.

“Ang modus operandi niya is may online selling din siya…Sinasabay niya na magbenta ng mga apparel like Jordan tapos isasabay niya yung pagbenta niya ng marijuana,” ani Valencia.

Nakumpiska mula sa suspek ang apat pang sachet ng hinihinalang marijuana at apat ding sachet ng hinihinalang shabu.

Mula sa kanyang mga parokyano, nasabat naman ang isang sachet ng hinihinalang marijuana at apat na sachet ng hinihinalang shabu.

Itininaggi ni Puno na siya ay tulak kahit aminado na ang kanyang mga customer sa kanyang pagbebenta.

“Hindi po ako nagbebenta…Kinuha ko lang yun sa Bagong Barrio, panggamit,” sabi ni Puno.

Mahaharap ang mga naaresto sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —Joviland Rita/KBK, GMA News