Nagbabala nitong Miyerkoles si Comelec Commissioner Rowena Guanzon na posibleng maharap sa kaso ang National Printing Office kung totoong nag-subcontract ito sa pag-imprenta ng Voter Information Sheet.

Ayon kay Guanzon, kakontrata ng Comelec ang NPO sa printing ng VIS pero walang ginawang bidding dahil government to government ang kontrata.

Mahigit P244 milyon umano ang gastos — P4 kada VIS, mahigit P61 milyon ang kabuuhang  VIS.

Pero nadiskubre ng Comelec en banc na sinub-contract ito ng NPO sa Holy Family Printing, na isang pribadong kumpanya.

Ayon kay Guanzon, hindi niya kilala kung sino ang may-ari ng Holy Family Printing.

Nadiskubre raw ito ng Comelec en banc bago pa ang eleksyon.

Ani ni Guanzon, mananagot ang NPO kung totoong sinub-contract nito ang printing ng VIS.

Bawal daw ito, alinsunod sa patakaran ng Commission on Audit. 

Tinawagan ng GMA News ang opisina ni NPO Director Francisco Vales Jr. upang kunin ang panig nito ngunit nasa pulong daw ito. — RSJ/FRJ, GMA News