Nagbabala ngayon si Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon na hindi babayaran nang buo ang supplier ng SD card sa eleksyon dahil sa mga isinuplay nitong mga depektibong SD card.

Ayon kay Guanzon, ipasusuri niya ang bid ng supplier na S-1 at ang mga idineliber nito na nagkakahalaga umano ng P29 milyon ang bid.

Ang naturang halaga ay malayo sa itinakdang ceiling na P79 milyon.

Sa ginanap na halalan, sinasabing mahigit isang libong SD cards ang hindi gumana.

Sabi ni Guanzon, wala rin daw dapat downpayment na naibayad pa ang Comelec sa supplier.

May penalty rin daw ang kumpanya, alinsunod sa kontrata. Pero kung ano ang penalty, hindi na idinetalye ni Guanzon.

Ang puwedeng bayaran ng Comelec sa S-1 ay ang mga SD card na gumana, dagdag niya.

Nasa 52% o lampas lang ng kaunti sa kalahati ng mga idineliber ng S-1 na SD card ang binasa ng vote counting machines. Ang natititang 48% ng mga SD card, pumalpak.

Sa ngayon daw, nasa national technical hub si Comelec Commissioner Marlon Casquejo para mag-check sa isyung ito.

Ayon kay Guanzon, nagkagulo ang mga watcher at may mga nag-away pa raw dahil sa mga sirang SD card. — MDM/FRJ, GMA News