Nais ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na magkaroon ng third party audit ng transparency server na ginamit nitong eleksyon.

Ayon kay Guanzon, ganitor rin daw ang pananaw ni Comelec Commissioner Luie Guia para maalis ang duda ng mga botante na baka nagkadayaan nang magkaproblema sa transparency server.

Sabi ni Guanzon, may karapatan naman ang mga botanteng magduda.

Pero si Guanzon na mismo ang nagsabing verifiable naman daw ang lahat ng data roon.

Bubuksan ang logs at magkaka-access daw ang PPCRV, na siyang may hawak ng transparency server.

Maganda rin daw na may sariling pagsusuri ang PPCRV.

Gumana rin naman daw ang Comelec main server.

Ang transparency server, na kinukunan ng media ng resulta ng botohan, ay mirror ng Comelec main server.

Sabi pa ni Guanzon, bukas naman daw sila sa inquiry at imbestigasyon, kahit ng third party.

Siya raw mismo makakatiyak na walang naging dayaan o magic ng mga resulta sa transparency server.

Kung hindi raw masaya ang mga botante sa paliwanag tungkol sa Java error, nagkakaintindihan naman daw ang marurunong tungkol dito. —LDF, GMA News