Ngayong naiproklama na bilang nanalong alkalde sa Pasig City ang 29-anyos na si Vico Sotto, may ilang mga nagsasabing isa na siya sa mga pinaka-eligible bachelor sa siyudad.

Nang tanungin siya ni Lei Alviz sa 24 Oras nitong Biyernes kung may girlfriend siya, ang sagot nito: "Wala."

"Wala talagang time. 'Pag may free time ako, mas gusto ko pang matulog o magpahinga na lang," paliwanag niya.

Dagdag ni Sotto, okay lang daw sa kanyang manatili muna siyang single para makapag-focus siya sa kaniyang mga responsibilidad at pangako sa mga Pasigeño.

"For now and for the foreseeable future. Tingnan na lang natin. Diyos na bahala na kung papano mangyayari," aniya.

"Siyempre, eventually, gusto mo rin naman di ba. But for now, focus-focus muna."

Si Sotto ay anak ng mga sikat na showbiz personality na sina Vic Sotto at Coney Reyes.

Siya ay nagsilbi bilang konsehal ng Pasig City mula 2016.

Matapos niyang lamangan sa boto ang reelectionist na si Mayor Robert Eusebio sa naganap na hahalan noong Lunes, tinapos niya ang 27 taong paghawak ng mga Eusebio sa City Hall. —Margaret Claire Layug/NB, GMA News